Lunes, Oktubre 10, 2011

Ang Aking Mga Laro Nang Ako’y Bata Pa

Ang mga bata noon at ngayon ay mahilig maglaro ng kahit anong laro. Kahit noong bagong silang pa tayo, nilalaro na tayo ng ating mga magulang upang tayo ay malibang at pati na rin sila. At kahit nasa ilalim tayo ng matinding sikat ng araw ay naglalaro parin tayo, hindi nga natin iniinda ang sakit na dulot ng sinag ng araw dahil ang konsentrasyon natin ay nasa ating laro. Ang paglalaro raw ay isa sa mga paraan ng pag-eehersisyo ng ating katawan. Dahil sa paglalaro maraming nadedevelop sa ating sarili.

“Isa…! duha…! tulo…! ang dili katago mao’y siya na!”. Ang larong “tagoanay” ang pinaka-paboritong kong laro. Nang ako’y bata pa, nilalaro ko na ang larong ito kasama ang aking mga matatalik na kaibigan. Ito ay nilalaro namin sa likod ng aming bahay at nagtatago pa nga kami noon sa kasulok-sulokang lugar para lang hindi kami mahanap. Naaalala ko pa nga noon na kahit madudumi at mababaho na kami ay naglalaro pa rin kami. Hindi namin iniisip kung magagalit ang aming mga magulang o hindi, ang mahalaga lang kasi sa amin noon ang makapaglaro at malibang. Maliban sa larong “tagoanay”, naglalaro pa rin naman ako ng ibang laro katulad nalang ng “paon-paon”, “boklanay”, “dampa”, “patintero”, “shomoy”, “dakpanay” “balay-balay” at iba pang mga laro. Sa larong “paon-paon”, masaya din ang larong ito. Ang paglalaro kasi nito ay parang naghahabulan lang at kapag ikaw ay nahuli, mapupunta ka sa “base” o teritoryo ng kalaban at doon ka maghihintay hanggang  sa may sumagip sa iyo. At kapag nasagip kana pwede ka nang makabalik ulit sa teritoryo ng kasama mo. Sa larong “boklanay” naman, siguro ito ang pinakamaskit na laro. Sa larong ito kasi ginagamit ang “marbles” sa englis o “jolen” sa bisaya. Kailangan mong maka “shomoy” sa butas na ginawa ninyo at makatama sa “jolen” ng kalaban para hindi ka mabukolan at para ikaw ang makabukol sa kalaban. At kapag hindi ka nakatama ng “jolen” at hindi naka “shomoy” ikaw ay talo, ikaw ay “mabuboklan”. Pwedeng masakit ang pagbubukol sa iyo o pwede din namang mahina depende sa napag-usapan ng iyong mga kaibigan. At kapag napag-usapang malakas ang pagbubukol, ihanda mo nalang ang iyong kamay dahil makakatikim ka ng sakit na hindi mo pa naranasan noong bata ka pa. Kaya kung maglalaro ka ng “buklanay” dapat siguraduhin mong matapang ka at kayang indahin ang sakit na dulot ng “jolen” kung saka-sakaling ikaw ay mabubuklan.

Hanggang sa lumipas ang mga buwan at naging taon, at medyo nagkaisip na ako. May natutunan na naman akong bagong laro, hindi larong katulad ng “dakpanay”, tagoanay”, at iba pang larong pambata kundi ang larong ibig kung sabihin ay iyong larong gamit na ang teknolohiya – ang kompyuter. Dahil sa mga kaklase at mga kaibigan ko, tinulungan nila akong matutong maglaro sa kompyuter at natuto nga ako. Noon, ang nilalaro ko pa ay “LAN games”. Ito ang mga larong hindi gumagamit ng internet, tapos, ang hilig kong laruin na “LAN games” ay ang “Counter – Strike”. May dalawang grupo sa larong ito, ito ang mga “Counter – Terrorist” o ang mga sundalo na mababait at sa kabila naman ay ang “Terrorist” o mga terorista. Sa larong ito, may mga baril na gagamitin at kailangang magpatayan ang dalawang grupo para may matira sa kanila at kung sino man ang matitira ay siya ang tatanghaling panalo. Lumipas na naman ang mga linggo at natuto na din akong maglaro ng “ONLINE games”. Sa lahat na nalaro kong “ONLINE games”, ang “PANGYA” ang pinakapaborito kong laro sa lahat. Ang larong “PANGYA” naman ay isang larong golf. Sa larong ito, kailangang marunong kang mag-estimate para maipasok mo ang bola sa “hole” o butas at hindi ka dapat magkamali para may puntos ka. Kapag ikaw ang may pinakamaraming naipon na puntos, maaaring ikaw ang tanghalin na panalo at may matatanggap ka na premyo. Dahil sa paglalaro ko ng kompyuter, palaging nauubos ang aking pera at minsan nanghihingi pa nga ako sa aking magulang para lang may pambayad ako sa paglalaro sa kompyuter.

Sa bawat laro ay may mga katangian tayong natututuhan at nadedevelop. Sa bawat katangian na ating nakukuha sa paglalaro ay may naidudulot ito sa ating sarili mapabuti man o mapasama. Para sa akin, ang pagkakaroon at pagdedevelop ng katangian ay dumedepende sa ating sarili kung gusto nating maging mabuti o maging masama at sa mga kasamang nakakalaro natin. Kung ang mga kasama mo ay may mga mabubuting katangian at intensyon, maaaring magaya mo ang kanilang mga katangian. Pero kung hindi naman maganda ang katangian ng iyong kasama, maaaring maging katulad ka din nila kasi gusto mo ang ginagawa nila at gusto mong maging isa sa kanila dahil may tumutulak sa iyo na dapat kang makisama sa kanila kasi sa palagay mo ay magiging masaya ka kung kasama mo sila kahit hindi kaaya-aya ang kanilang ginagawa. May mga laro din naman na nakakabuti at nakadedevelop ng magagandang katangian sa atin, katulad nalang ng larong “tag of war”, “patintero”, “paon-paon”, at marami pang ibang mga laro na magdudulot sa atin ng magagandang katangian. Sa mga larong nasabi ko, kailangan ng mga katangiang tulad ng kooperasyon, pagtutulungan, pagkakaisa ng bawat myembro ng grupo, at dapat marunong tumanggap ng pagkatalo kung saka-sakaling matatalo man. Meron din naming larong hindi nakakabuti sa atin at isa na dito ang paglalaro ng “DOTA”. Ito ang larong maraming kutya at “trash-talks”. Meron kasing manlalaro na sa palagay nila ay magaling na silang maglaro at kapag nakatalo sila ng kalaban, sinisigawan nila ang manlalarong natalo at hindi nila iniintindi kung meron bang nasaktan sa kanilang sinabi o wala. Kaya, para sa akin, ang bawat laro na nilalaro natin ay may positibo at negatibong naidudulot sa ating sarili. Kung kaya’t, magdahan-dahan tayo sa ating mga ginagawa at pumili ng mga kasamang magdudulot sa atin ng mabuti kasi sa bawat laro at kasama natin ay nagbubunga ito ng epekto sa ating sarili!

BY: JHIN LUGATIMAN

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento