Miyerkules, Oktubre 12, 2011

Ang Totoong Kasiyahan at Kaibigan ay Nasa Kalyeng Pinagmulatan

Ang kabataan ay hindi salot sa lipunan. Sila ang nagbibigay kahulugan sa isang pamilya. Nagpapagaan ng loob, nagpapasaya, bukas-puso, at puno ng kaamuhan. Ang kaabataan ang nagbibigay kulay sa ating mundo. Kung wala sila, mundo’y tahimik at malungkot. Kaya ng iniluwal ako ng aking mga magulang labis ang pagkatuwa nila. Ako’y isang biyaya mula sa Diyos; sabi ng aking mga magulang. 

Ako’y isang batang masayahin, malikot, at palakaibigan. Suot ko’y puro panlalaki; naka sumbrero, nakadamit na parang isang basketbolista. Sabi nga nila ASTIG! Pero hindi lang ako sa pananamit astig, pati na rin sa mga larong pinoy, este!, mga larong kalye. Kasi kahit babae ako mga nilalaro ko ay laro ng mga lalaki. Gaya ng basketbol, biente uno, tumbang preso,paway, turumpo at holen. Pero kung minsan naglalaro rin ako ng mga larong pambabae, gaya na lamang ng patintero, jackstone, tagu-taguan at bahay-bahayan. Ang saya maging isang bata. Tinagurian pa nga nila akong “reyna ng larong kalye” eh. Parati kasi akong nangunguna sa mga larong nabanggit sa itaas, kaya nga ako’y pinag aagawan nila na mapabilang sa kanilang kupunan. Ang larong biente uno, tumbang preso, at paway ay ang mga larong pinakagusto ko sa lahat. Takbuhan at isang nakakapagod na laro pero nakakaaliw. Kaya nga pag uwi ko ng bahay, pawis na pawis ang buong katawan ko. Ngunit matapos naming laruin ‘yon sa umaga, nag babasketbol kami sa gabi; sa isang kanto malapit sa isang kinukonstrak na gusali. Lunar boi nga ang tawag sa amin kasi kahit gabi na panay parin ang aming paglalaro. Kung minsan nga nagkakapera ako kasi nagpupustahan kami. Ngunit, dumating ang hindi inaasahang pangyayari. Nakaapak ako ng isang pako na nag dulot sa akin ng malaking pagbabago. Hindi na ako pinlalabas ng bahay ng aking mga magulang at hindi ko na nailalaro pa ang mga larong nagbibigay sa akin ng saya. Gayunpaman, ang pangyayaring iyon ang nagtulak sa akin na magbago. Kumilos babae, manamit ng pambabae at maging isang tunay na babae. Tuwang-tuwa ang aking mga magulang. Ngunit naging mahirap sa akin ang lahat ng iyon. Kaya kahit nasa bahay lang ako,nagpagawa si papa ng maliit na basketbolan sa loob ng aming bahay kaya lang ang ate ko,parati akong niyayaya na maglaro ng jackstone, bahay-bahayan at taguan. Nasiyahan naman ako kaya nalimutan ko rin ang pagbabasketbol. Mula umaga hanggang gabi, naglalaro kami ng bahay-bahayan ng ate ko. Siya yong gumaganap na parang nanay at ako naman yong anak niya. Pati mga stuff toys ay ginagawa naming mga bata o di kaya mga studyante ng ate ko. Nakakatawa talaga at napakasaya. Lalo na pag nagjajackstone kami ng ate ko. Ako yong parating nananalo kaya pati mama ko sumasali na rin sa laro namin. Magaling si mama sa pagsalo ng bola ngunit nakakalamang parin ako kasi ako ang bunso ng mga panahong iyon. Kaya nong nagdadalaga na ang ate ko, wala na akong naging kalaro.

Tumatakbo ang panahon at naisipan kong gayahin ang ate ko. Nakahiligan niya ang pagkokompyuter. Natuklasan ko na maraming laro na mas nakakaaliw. Gaya ng supertext twist, sims, plants vs zombies, at iba pang online games. Ilan sa mga ito ay nagbibigay aral ang ilan naman ay aksaya lamang ng pera pero nakakaaliw naman. Kaya nang matuto ako ng mga online games, natuto rin akong mag sinungaling, lumiliban sa klase, at malulong sa bisyo. Bisyo sa pagkokompyuter. Araw- araw halos 50 pesos ang akong nagagastos para lang sa paglalaro ng plants vs zombies at supertext twist na siyang paborito ko sa lahat. Dahil nga sa malimit ko na pagliban sa klase, bumagsak ako sa lahat ng asignatura na siyang pinagtataka ng aking mga magulang. At doon, nalaman nila na hindi ako pumapasok sa klase. Naging malaking problema iyon sa akin. Isang malaking kahihiyan ang dinanas ko. Nawala sa akin ang mga bagay na importante sa akin at ang masklap pa non ay ang pagiging sakitin. Mga mata ko’y nanlalabo at ang madalas na pagkahilo, pananakit ng ulo at paninilaw ng aking mga mata. Sabi ng doctor dahil daw iyon sa malimit na pagtutok ng aking mga mata sa kompyuter. At dito nagsimula ang paghinto ko sa paglalaro ng mga kompyuter games. Sabi nga nila, nakakaaliw pero bawas-buhay rin ang kapalit.‘Di lang magastos, kundi nakakasira rin ng katawan. 

Hay……. Ang buhay nga naman. Hindi puro saya, kundi may mga pangyayari na nagbibigay naman ng aral sa atin. Pero lahat ng mga larong nadanasan natin ay parti ng pagiging isang masayahin at masiglahing batang Pilipino. May mga laro mang nakakasira sa atin, gaya na lamang ng mga laro mula sa makabagong teknolohiya, ay may napupulot naman tayong aral. Nagbibigay sa atin ng mga babala at nagmulat sa atin na hindi sa pagiging moderno makikita ang kasiyahan kundi sa mga laro kung saan makakahanap ka ng maraming kaibigan at nagpapatibay ng lakas ng loob. Kaya mas masaya ang mga larong kalye kaysa sa mga laro ngayon na makabago at moderno. Ang sarap ngang bumalik sa pagka bata eh! Wala kasing problem at ang tanging alam ay makipagkaibigan at maglaro. Kay sarap balikan ang mga pangyayari nong ako’y bata pa. ang pagiging masaya at masigla, lalong lalo na ang pagiging isang pinakamagaling ng mga larong kalye sa aming lugar.

Kaya payo ko lang, huwag nyong sayangin ang panahon. Maglibang kasama ang mga kaibigan at pamilya. Ibigay niyo ang inyong mga natatanging talento sa paglalaro at ang pagiging palakai bigan. Kasi, kahit sa kalye nakagugol ang iyong panahon ay may mga bagay at asal kang matutunan na di lang sa paaralan makikita. Sa kalye, mo maipapakita ang iyong tunay na ugali. Ang pagiging patas, palaban, at ang pagiging mapagbigay. Alalahanin niyo na kapag dumating ang araw na puputi ang iyong buhok, wala kanang sapat na lakas na gawin ang mga bagay na nagbibigay sayo noong bata kapa. Bigyan niyo ng panahon ang inyong sarili dahil ang totoong kasiyahan ay hindi lamang sa mga bagay na iyong natamo sa buhay kundi sa kalye kung saan ka nagkaroon ng maraming kaibigan.

BY: GRACE MARAPAO

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento