Lunes, Oktubre 10, 2011

Laro Ng Ating Lahi

Ilang taon na ang lumipas nang huli kong naranasan at naramdaman ang saya at pakiramdam na dulot ng aking pagkabata. Sa aking pagtuklas sa landas ng buhay, maraming bagay ang nag-iba; maraming bagay na kung dati ay nakakapagbigay ng aliw, ngayon unti-unti itong nawawala dulot ng modernisasyon at pagtaas ng lebel ng teknolohiya sa ating bansa.

Tayong mga Pilipino ay namulat sa ibang paraan ng papapalaki; natural lang sa atin na ang paglalaro ay bahagi ng iilang pahina ng ating pagkamusmos. Patintero o Step-in, Tumbang preso o Tumba lata, Luksong tinik, Tigso, Milo-milo, Chinese garter, Sili-sili, Sipa at paglalaro ng Takyan ang mga larong aking unang nadatnan. Ang mga larong ito ay hindi lamang nagbibigay aliw sa mga kabataan, dahil nilalaro ito na may kupunan o team, tinuturuan din tayo nito ng sportsmanship. Kung ating iisipin, naaliw at nalibang tayo sa mga larong ito sa higit na maraming taon, dekada, at maaring siglo na ang nakalipas. Kumpara sa mga larong pangdayuhan, nilalaro natin ito na walang tagahatol o ampayr, tayo mismo ang gumagawa ng mga patakaran sa sirkulasyon ng laro at sumunod sa mga patakarang ito. Manalo man o matalo ay hindi mahalaga basta nasiyahan ka at naaliw ka sa iyong nilalaro. Bukod sa paglilibang ng sarili, nakukuha din nating magkaroon ng magandang pangangatawan, maliksing pag-iisip, at maging isang aktibong indibidwal. Ang paglalaro ay karaniwang kilala sa pagiging bahagi ng proseso ng pagkakatuto ng mga kabataan; hindi lamang sa pisikal na aspeto, ngunit kasama na rin dito ang mentalidad at pananaw ng mga kabataan sa kanilang buhay at paano nila pangasiwaan ito. Ang paglalaro ng larong pinoy ay nagtuturo din sa kanila kung paano maging makatarungan, tapat at aktibo sa kung anuman ang mga hamon na patuloy na dumarating sa buhay at pagharap at pagtayo mula sa pagkadapa. Sa makatuwid, ang paglalaro ng mga larong pinoy ay isang hakbang tungo sa kung ano ang nakalaang hinaharap para sa atin.

Ngunit sa paglipas ng maraming taon, nakita ko ang maraming pagbabago. Ang lansangan na dati ay punong puno ng mga batang naglalaro ay  tila baga’y na uwi sa limut. Ang plaza na dati’y  punong puno ng mga batang naghahalakhakan sa tuwa ay tila inabandona ang munting pook. Oo. Inabandona. Dahil ito sa mga makabagong teknolohiya na walang humpay sa pagdami, at marahil dahil dito nakakahanap ng bagong libangan ang mga kabataan. Laganap ang mga pangyayaring ito sa lugar na katulad ng siyudad. Libangan katulad ng paglalaro ng mga usong-usong computer games na Dota, Perfect World, Ran Online at Cabal Online. Hindi sportsmanship ang tinuturo ng larong ito kundi ang pagiging makompetensya at minsan pa ay kawalang galang sa kapwa, sa mga nakakatanda at maging sa kaedad. 

Noong minsan ay napasok ako sa isang internet cafĂ© sa aming kalapit na baranggay, isang grupo ng mga kabataang lalaki ang walang humpay sa paghiyaw na para bang walang ibang tao kundi sila lamang, pag ungol na parang aso na kulang sa pansin at pagmumura na para bang normal o natural nalang na lingwahe iyon para sa kanila. Tinanong ko ang isa sa kaibigan ko kung ano ba ang meron kung bakit nagsisisigaw ang mga iyon, sabi niya naglalaro daw “naglalaro ng counterstrike, yung barilan at patayan!”. Laro? ‘Yan ba ang klase ng laro na gusto ng mga kabataang pinoy sa panahon ngayon? Puro karahasan at patayan ang makkikita? Isa ito sa halimbawa ng impluwensyang naidudulot ng makabangong teknolohiya sa mga isip ng mga bata. Bagama’t ang resulta ay hindi agad na nakikita ngunit unti-unti itong lalabas at maoobserbahan sa mga kabataan sa panahon ngayon.

Mas pipiliin kong tangkilikin ang mga larong pinoy kaysa sa mga larong dala ng mga dayuhan dahil mas mapangangalagaan ang pisikal, mental, sosyal, at maging verbal na aspeto ng buhay ng mga kabaataan. Hindi ko sinasabi na tigilan natin ang ating kahibangan sa pagtangkilik sa mga bagay na taliwas sa kultura ng mga Pilipino, ang akin lang ay magpagtanto natin na habang nakikibagay tayo sa mga pagbabago sa ating bansa ay sana hindi rin natin makalimutan ang mga bagay na naging tatak natin bilang mga mamamayang Pilipino.

Darating ang araw, na ang mga kabataang ito ay magiging magulang at sasabihin din nila na “’Yan! ‘Yan ang mga laro namin noong mga bata pa kami”. Hindi dapat ilimita lamang sa pagtuturo sa mga kabataan ang mga larong pinoy, dapat din ituro natin sa kanila ang pagmamahal sa mga bagay na makapilipino. Ang larong pinoy ay isang bagay na maaring ipagmalaki ng mga kabataang ito na naging bahagi sila ng gintong pamana ng mga Pilipino. Sa makatuwid, kailangan nating Buhayin ang mga Laro ng ating Lahi! Nang sa ganun ay umabot pa ito sa ilan pang henerasyon at hindi maabandona at mabaon sa limut.


BY: MAROXI SIBAYAN

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento