Lunes, Oktubre 10, 2011

Tara, Laro Tayo!

Sabi nila, minsan lang tayo daraan sa pagiging bata.Ang Pagkabata ay isang pangakong hindi mo maitatago.Ang lahat ng mga panahong iyon kahit na may mga pagkakataong hindi masaya ay masayang balik-balikan. Nakaukit ang mga matatamis na alaala at ito’y mahirap burahin. Lumaki ako sa isang lugar na halos lahat ng mga bata ay pinapayagang lumabas para magpapawis at maglaro, sa lugar na baduy ang mga batang natutulog sa tanghali at hindi lumalabas, sa lugar na masaya at maingay, sa lugar na maraming tambay sa kanto at sa lugar na merong samut saring pagkain na binebenta sa kalye.
Welcome sa consunji St,Iligan City. Ang lugar na tila isang paraiso para sa karamihan ng mga kabataang nakatira dito, dito mo makikita ang mga batang nag-aamoy aso at halos hikain sa walang sawang takbuhan at habulan, at isa ako sa kanila.
Noong kami ng mga kaibigan ko ay mga musmos pa lamang, naranasan naming makapaglaro ng kung tawagin ay mga laro ng lahi. Dahil noong panahong iyon, wala pa ang mga online games tulad ng friendster,facebook,y8 atbp. Kaya naman talagang ubos ang enerhiya ng aming buong katawan dahil sa kakatakbo, kakalundag at kakasigaw. Naenjoy talaga naman ang aming pagiging bata. Ibang iba na talaga sa henerasyon ngayon. Kaya sa aking pagbabalik-tanaw, pagmumuni-muni at pagtingin sa cursor na patuloy na kumikindat habang ako'y nag-iisip ng maisusulat, sumagi sa aking isipan ang mga larong pinoy na minsan ko na lang makita ngayon.

Mahilig akong maglaro, wala akong pinalampas sa lahat ng mga larong nauso sa lugar namin nung kabataan ko. Ito ang ilan sa mga naging paborito ko:

Teks  - Hindi ko talaga mapigilan ang sarili ko na unahin ang larong ito, dahil dito talaga ako naadik at nabaliw. Hindi ko alam kung bakit suwerte ako sa larong ito, mas madalas ang panalo ko kaysa sa sa talo, dumami ng husto ang mga teks ko at umabot ito sa tatlong kahon ng sapatos.
 Siguro dahil na rin ito sa mahusay at kapitapitagang pamato na pinamana pa sa akin ng nakatatandang pinsan ko  na nag retiro na bilang manlalaro ng teks at napasama na sa mga hall of famer. Hindi ko makakalimutan ang pamatong ito dahil sabay kaming sumikat sa kalye ng Consunji, ilang bata rin ang umangal, napikon, sinipon at naubusan ng teks dahil dito.

Saranggola  - Ang tayog ng lipad ng saranggola ni Bhebie. Yan ang tawag ko sa aking pinakamagandang saranggola.Minsan ay pinangarap kong magpalipad ng saranggola yung tipong makikipag apir ito sa mga eroplanong dadaan. Kaya nung bata ako minaster ko lahat ng klase ng paggawa ng saranggola. Nakagawa na ako ng mga saranggolang yari sa diyaryo, papel de hapon at mga saranggola na yari sa plastik ng palengke.
Luksong Tinik - gamit ang mga paa at kamay ng dalawang manlalaro, pagdudugtung-dugtungin nila ang mga ito na para bang gagawa ng bakod na siya namang lulundagin ng isa pa nilang kalaro. Kailangang hindi sasabit ang kahit anong parte ng katawan ng lulundag dahil kung hindi ay magiging taya siya. Marami na akong nakitang nasubsub sila sa lupa dahil hindi nila abot ang taas ng kanyang lulundagin.Grabe ang saya nito!!Sobra!!

Langit Lupa  - habulang laro na kung saan, para makaligtas ka sa taya na siyang huhuli sa yo, kailangan mong maghanap ng isang mataas na bagay na siyang magsisilbin'g "langit". Pero ‘di ka pwedeng manatili habang buhay sa "langit" mo dahil kailangan mo ring humanap ng pwesto pagkatapos. At ang taya naman, bawal ang bantay sarado dahil tiyak na kakantahan ka ng "Bantay Suka, Doble Taya!"
Pero ang mas Masaya nito ay may “THEME SONG” pa ito. “Langit lupa saan ka bababa,Sa Im,Sa Im Sa Impyerno  dili ako sa Impyerno kay mainit ang kalayo.Saksak puso itulo ang dugo,Patay Buhay alis.Kung sinong aalis ay siya na!!”Kung iisipin ngayon,paano nagkaroon ng ganitong kanta, Eh!!ang bata bata pa naming noon? Ito’y nakapagtataka.

Tumbang Preso  - isang lata ang ipupwesto ng taya na siya niyang babantayan para hindi mapatumba ng mga manlalaro ang lata.. Kapag nakatayo ang lata, maaari syang manaya ng mga manlalarong wala sa base. Pero sa oras na mapatumba ang lata gamit ang mga tsinelas na syang hinahagis ng mga manlalaro, kailangan niya itong itayo bago sya manaya.Sa larong ito ay marami ang napipikon,nasusugatn at nagkakaasaran at humahantong sa suntukan.

Patintero  - tinatawag ding "harang-harang" dahil wala kang ibang gagawin kundi harangin ang mga magnanais na  makapasok sa ibang lugar. Maaring laruin ng tatlo hanggang limang manlalaro sa bawat koponan. Kailangan munang gumuhit ng dalawa o apat na parisukat dipende sa dami ng manlalaro sa bawat kuponan bago simulan ang laro. Ang bawat kalahok ng isang kupunan ay tatayo sa likod ng mga linyang iginuhit. Ang taya ay nakatayo sa gitna ng linya ay maaring tumawid sa mga iba pang linyang ginuhit kaya't napapadali ang pagkakataon na mahuhuli ang kalahok ng kabilang grupo.
 Dapat makatawid at makabalik ang mga kalahok ng kabilang grupo na hindi nahuhuli ng tayang grupo. Kapag mayroong nakatawid at nakabalik sa kupunan na hindi nahuhuli ng mga taya ay madaragdagan ng puntos ang kanyang kupunan. Ang mga tumatakbo naman ang magiging taya kung sakaling mayroon isa sa kanila ang mahuli ng kabilang kupunan. Ang unang kupunan na makakuha sa pinagusapang dami ng puntos ay siyang magwawagi.

Tagu-taguan  – sa larong ito maraming bata ang nakikisama dito sapagkat ito ay isang masayang laro na kung saan kayo ay mag-uunahang magtago  habang ang isa sa inyo ay nag-bibilang upang kayo ay makapagtago sa ilang sandali lamang. At pagkatapos niyang magbilang ay agad siyang lalakad para kayo ay makita sa inyong tinataguan. At kapag kayo ang unang nakita niya, kayo naman ang taya.

Piko - Nilalaro ang piko sa labas, karaniwan sa mga daan. Kailangan ng mga manlalaro na pumili ng pamato - ito ay isang bagay na ginagamit bilang pananda kung nasaan ang manlalaro ito ay maaring maging isang piraso ng bato.Sa hugis ay dapat mayroong mga guhit na naghihiwalay sa iba ito ay maaring mga hugis kahon o parisukat. Ang mga parisukat na ito ay lalagyan ng mga numero para malaman kung alin sa mga ito ang pagkasunod-sunod na siyang tatalunan ng mga manlalaro.Kailangan gumuhit ang mga manlalaro ng isang geometrikong hugis sa daan gamit ang chalk o uling, pwede din ang puting bato.
Mamimili ang mga manlalaro ng mauuna. Iba iba ang paraan ng pamimili nariyan ang “jack en poy”.
Ang unang manlalaro ay ihahagis ang kanyang pamato sa numero uno. Kailangan niyang makapunta sa pinakamataas na numero at pabalik. Pagkatapos sa kanyang pagbalik ay kukunin niya ang kanyang pamato.
Paulit-ulit lang hanggang sa makarating siya sa pinakamataas na numero.

Ngayong may edad ka na at may sariling responsibilidad na dapat gampanan, minsan ay sumasagi sa iyong isipan na dati, ang problema mo lang sa buhay ay ang paglalaro sa labas ng bahay kasama ang iyong mga kaibigan. Ngayong alam mo na ang tama at mali, minsan ay naiisip mong sana ay nanatili ka nalang inosente.
Sa tuwing napapahinto ako ay naaalala ko ang aking munting alaala noong ako’y bata pa at masasabi kong “kaysarap maging bata.”
Naniniwala akong habang tumataas ang teknolohiya ng sangkatauhan ay nawawala ang pakikipaghalubiluhan sa ibang tao na nasa paligid mo.Patuloy itong kinakain ng kuwadradong lungga ng CYBERWORLD.

BY: FATMAH MAMBUAY

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento