Martes, Oktubre 11, 2011

May Magagawa pa nga ba Tayo?

Minsan naisip kong di na balikan ang nakaraan. Ngunit minsan ko lang inisip yun, di ko na inisip ulit. Nakakatawa mang isipin pero gusto ko talagang maging batang paslit ulit, yung tipong walang pakialam kung nasugatan na, madumi ang damit sa kakalaro at di na maitsura ang inosenteng mukha dahil sa dami ng pawis na patuloy na dumadaloy sa kutis ng batang tuwang tuwa sa nilalaro.

Naalala ko pa noong araw tuwing kabilogan ng buwan, masaya kaming naglalaro ng patintero. Alam mo bang magaling ako pagdating diyan? Hindi sa pagmamayabang pero ako yata ang defending winner sa baryo namin. (haha). Napaka challenging nang larong ito dahil kailangan mong lumagpas sa mga kalaban mong nakaharang sa bawat linyang tatawarin mo, mga kalabang para bang ayaw ka talagang palagpasin dahil sa may utang kang dapat bayaran. Yan! ang hirap talaga. Alam mo ba kung papano ka makalalagpas sa mga mokong na humarang sayo? Simple lang, lituhin mo, pero dapat maging mapagimbento, magaling at mapaglinlang kang aktor. Halimbawa, “Oi! May helicopter oh!” syempre sasagot siya “ weeh? Di nga?” sagutin mo agad “Peksman! Tumingin ka kaya sa itaas mo ng makita mo mismo”. Pag tumingin na siya, huwag ka ng mag alinlangan pa takbo ka kaagad yung mistulang hinahabol ka ng asong may galis!. Oh diba! Epektib! Haha! Nasa sayo na yan kung gaano ka kagaling mag imbento ng mga storyang makakalito sa kanya. Di ka lang nag e-enjoy sa nilalaro mo, gumagana pa ang thinking strategies mo at teamwork sa isa’t-isa.

Isa sa mga paborito ko ring larong lahi ay luksong tinik. Napakasaya kaya ng larong ito dahil nga sa kailangan mong tumalon sa mga nagmistulang tinik na mga daliri sa mga nag beberdeng mga damo sa palaruan. Dapit hapon na ng magtipon tipon kami ng mga kaklase ko sa libangan. Una igru-grupo muna namin ang aming mga sarili sa dalawa, kahit ilang miyembro ay pwede. Ang sekreto lang para manalo kayo sa laro ay kailangan mo lang mag tiwala sa iyong sarili na kaya mong lagpasan o talunan ang mga tinik na naka harang sa iyong harapan, mahirap naman pag sa likod nakaharang, ano kaya yan? luksong tinik ang likod bersyon. Tapos, talon hanggang sa makakaya mo para hindi ka masabit sa tinik dahil kapag natinik ka, patay kang bata ka! ang kalaban na ngayon ang may sansyang malagpasan ang matatrik na tinik na buhat ng mga kyut na mga kamay. At pag nalagpasan nila iyon to the next level na ulit hanggang sa ang mga daliri ay maubos sa kakagawa ng tinik. Oh diba? Ang saya! Subukan mo kaya para maramdaman mo rin kung gaano siya ka challenging at ka enjoy tumalon sa tinik.

Pangarap mo bang maging manikin? Ito na ang kasagutan sa iyong inaasam na pangarap. Subukan mong maglaro ng Slipper Mannequin tiyak magiging manikin ka ng wala sa oras. Dahil isa yan sa mekaniks ng laro, kailangan mong mag mistulang manikin para hindi ka maging taya sa nasabing laro. Naalala ko pa noong araw na kaming mag pi-pinsan ay nag titipon tipon sa bahay ng aking lola. Wala kasi kaming ibang magawa, eh hilig naman namin ang larong ito. Nag aaway pa nga kami kung kaninong tsinelas ang gagamitin. Eh! ako naman ang kanilang kuya, buluntaryo ko nalang na inalok ang tsinelas ko. Kaysa naman sa mag away pa kami. Kaya yun nag simula na kaming maglaro, ako na naman ang taya! Yun! Tinapon ko pataas ang tsinelas sabi ko sa sarili ko “sana walang makasalo!” (haha. Sino ba naman ang gustong masalo ang tsinelas?) para hindi ako maparusahan. T’siya nga pala, kailangan pa nga pala ninyong sumang-ayon sa isa’t-isa kung ilang salo ang kailangan para maparusahan ang taya! Kapag tapos na pwede na kayong mag simula agad agadd. Napag sang-ayunan namin na tatlong salo lang at the end na ng taya. Salamat naman at walang nakasalo. Ang nakaganda lang sa larong ito ay madebelop mo ang maging mapagmatyag sa paligid, kung sino ang magamalaw ay siya na ring taya. Ang magandang teknik diyan ay patawanin mo ang mga sasalo pag naging manikin na sila. Pwede kang mag mistulang tuliling diyan sa kanilang harapan para lang sa gumalaw ang malulusong na katawan ng mga tagasalo  Tiyak gagalaw yan. Ganyan lang ka simple.  

Alam mo ba yung larong Tumbang Preso? Alam kong alam mo, Pilipino ka kaya! Baka nakakalimutan mo, kayumanggi ang natural nating mga kutis. At  likas na sa Pilipina na ang kanilang ilong ay pango, pero kahit ganyan yan dapat natin itong ipagmalaki dahil yan ay tatak pinoy at kahit pango ang mga pinoy o pinay  magaganda at pogi parin dahil tayo’y gawa ng Poong Maykapal. Sang-ayon ka ba? Dapat lang. Para pala makalaro kayo ng tumbang preso kailangan mo nang tsinelas, lata, at ikaw. Oo ikaw! Ikaw nga eh. paulit-ulit? Unli?. Pag kumpleto na lahat, ganun parin hatiin niyo sa dalawang grupo ang mga miyembro, kahit ilang miyembro ay pwede basta’t may dalang tsinelas kahit pa bigay yan ng Rated K. Kailangan niyong patumbahin ang lata gamit ang iyong tsinelas, yung tumba talaga na may dalang galit na parang may atraso sayo ang lata na kung pwede lang paliparin sa malayong malayo. Kawawa siguro nang taya kung ganyan ang mangyayari. Mangayayat na siguro ang kawawang katawan ng paslit na may sipon pa sa ilong. Ang misyon mo sa larong ito ay patumbahin mo lang talaga ang lata, tapos takbo lang ng takbo hanggang makaabot sa linya. Siguraduhin mo ring hindi ka madakip ng taya. Oh diba?! The best exercise ever. Nadedebelop pa ang pangangatawan mo di mo na rin namalayan na nadebelop na rin ang pag-iisip mong magtansya kung paano matamaan ang lata. 

Ilang araw, linggo, buwan at taon na ang lumipas, ang mundo ng laro ay umiba na. Ang laki talaga ng kaibahan ng noon at ngayon. Alam mo bakit? Dahil pag wala kang pera, wala kang kalaro dahil nga walang pinili ang teknolohiya, pati ang mundo ng laro ay pinasok na rin. Naging modernisado na ang lahat nakalimutan na ng mga bata ngayon ang kahalagahan ng larong lahi na siyang pagkakalinlanlan bilang isang pinoy. 

Pagkatapos ng klase deritso agad ang mga batang uhaw na uhaw sa net cafe na tabi lang sa skwelahan sa may highway doon sa may parang may nakalagay pa ngang karatulang may sabing “bawal ang estudyante dito tuwing may klase”. Nag sisiksikan at nag uunahan sa upuan sa kanya kanyang kompyuter ang mga bata. Pinipili ang magandang modelo ng kompyuter yun daw’ng hindi “hangards” dahil pag hangards daw kasi matatalo daw sila. Ang nilalaro kasi nila ay mga cyber games tulad ng Counter Strike, DOTA, War Rock at iba pa. Dahil sa hindi ko mapigilang mag tanong, may na interbyu akong klasmeyt, nagtanong ako kung ano ang magandang naidudulot ang mga larong yaon sa buhay niya, may pagmalaki siyang sumagot na “Aw! Nalilinang ko ang aking thinking skills kung paano patayin ang mga kalaban, astig kayang makapatay! Gumagana din ang teamwork at pagiging witty ka sa mga galaw mo”. Totoo magandang pumatay ng kalaban sa larong ganyan, kasi nga knock out sila sa powers mo. Pero sabay sa pagpatay sa mga kalaban ay sabay rin ang pagliliparan at pagpapalitan ng mga di kaaya-ayang pakinggan na mga salita mula sa mga bibig ng murang edad na bata. Nakakapangilabot ngang pakinggan eh, habang nasa net cafe ka kasi nag research ka para sa takdang aralin mo hindi ka masinsinang maka pokus kasi parang nararamdaman mong ang net cafe ay nagmistulang cafe ng demonyo. Yang ganyang pakiramdaman. Hahay! Patawarin sila ng panginoon. Hindi ko lubos maisip na ganito napala ang mundo ngayon, puno na ng mga walang moral na tao. Maganda naman talaga sa tutuusin ang cyber games dahil kahit ikaw lang mag isang nag lalaro malilibang ka parin. Dapat lang talaga na gamitin sa mabuting paraan at maging balanse lang sa paggamit na hindi rin pinababayaan ang pag-aaral. Dahil kapag nasubrahan na tiyak flat 5.0 ang grado mo. 

Mayroon nga akong paboritong mga laro sa kompyuter. Tulad nga lamang ng Plants VS Zombies at Angry Birds, naadik kaya ako saglit sa mga larong ito. Ang saya kasing panoorin na pumapatay ka ng zombies in a plant way. Gets mo? Haha! Basta yan na yan. Kailangan mong mag plano kung paano e-arrange ang iyong mga halaman para ang iyong depensa ay matibay. Payo ko sayo ma tanim ka ng dalawang lane na sunflower at ikaw na bahala.Doon ko rin nalaman na may mga fashion rin pala sila. May zombie na animo’y lolo’ng dala-dala ang diyaryo, may cone sa ulo, may balding lata sa ulo, may dalang shield at iba pa. Nakakalibang din ang Angry Birds, tansya tansya parin para matamaan mo ang dapat matamaan. Kailangan mong sirain ang pinamumukadan ng mga maliit na mataba na ewan na baboy na kulay berde. At pag nag tagumpay ka, syempre panalo ka kaagad. Kailangan mo ring maging wais kasi limitado lang ang iyong balang mga galit na ibon. Ang bawat ibon dito ay may kanya kanyang kapangyarihan, may ibong pumuputok, bumabalik, dumadami at nangingitlog. Nakalilibang talaga siyang laruin. Pramis! Subukan mo!

Maganda man siyang laruin, wala pa ring makatatalo sa larong lahi ng larong pinoy. Makaka kita ka pa ng bagong kaibigan. At ikaw ay masiglang  naglalaro at tagos ang mga daloy ng pawis sa iyong mukha at inosenteng katawan dala ng sikat ng araw at mga galaw na tila walang buto. Hindi pa masakit sa mata at bulsa ang larong lahi. Sa cyber games kailangan mo pa ng kuryente at kompyuter. Noon, kailangan lang ng iyong presenya at makapaglalaro na kayo ng kung ano ano. Kailangan mo lang maging mapaglikha at maging resourceful. 

Gusto mo bang maulit muli ang nakaraan? Hindi yan malabo kaibigan. May magagawa pa tayo, tulungan mo akong ipalaganap ang dalang kasiyahang hatid ng larong lahi ng pinoy sa bawat kabataan. Mag sisimula ito sa ating mga sarili kaibigan maging isang instrumento ka sa pagbabago. Ituro natin sa bagong kabataan. Ipamana natin ang laro ng lahi. Gawin natin itong daan upang ipadama ang diwang Pilipino. Sa ganitong paraan, binubuhay din natin ang alab ng ating lahi sa mga bagong kabataang noypi.

BY: VON DE LA TORE


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento