Lunes, Oktubre 10, 2011

O Kay Sarap Maging Bata

May nakapagsasabi na “ang nakaraan ay hindi na pwedeng balikan”, Oo! Tama nga, ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon ay maari na nating burahin sa ating isipan ang mga masasayang alala ng ating nakaraan. Katulad ko, pilit ko paring binabalik sa aking isipan ang mga laro na nilalaro ko noong ako ay bata pa.


Siyam na gulang ako ng una kong nilaro ang bahaw-bahaw, luksong-baka, luksong-tinik, sili-sili, tumba-lata, at tago-taguan. Kasama ko sa paglalaro ang aking mga kaibigan sa paaralan. Sa katunayan nga ay nilalaro pa rin namin ang mga ito kapag may oras, kasi nasa isip namin na hanggang ngayon ay bata parin kami. Sa mga panahong iyon hindi lamang kasiyahan ang naidudulot kapag kami ay naglalaro ngunit nagpapatibay rin ito sa samahan ng magkakaibigan. Ang mga laro ko noon ay nagpapalakas din ng tiwala sa sarili at tiwala sa isa’t-isa. Grupo iyong nilalaro naming kaya kailangan ay pagkakaisa at tiwala para manalo.
Ang bahaw-bahaw ay isang grupong laro kung saan pinagtitibay ang samahan ng bawat miyembro ng grupo. Sa laro ding ito ay naipalalawak ang pananalig sa bawat isa, at ang samahan ng lahat ng naglalaro. Ang luksong-baka naman ay isang masayang laro para sa akin, sa larong ito, ang bawat katao ay dapat tumalon ng malakas sa likod ng taya. Kung hindi ka marunong tumalon tiyak ay matatalo ka. Para sakin, ang tago-taguan naman ay isang nakakatakot na laro, kasi sa amin pag naglalaro kami ng tago-taguan ay doon talaga kami sa tahimik at maitim na lugar. Bawal ang maingay sa larong ito, kailangan ay eksperto ka sa pagtatago para hindi ka madaling mahuli ng taya. Ito iyong laro na sobrang madumi ang mga uniporme namin pagkatapos, na kung minsan ay napapagalitan kami ng mga magulang namin sa sobrang dumi.

Sa lahat ng laro na aking nasabi sa inyo ay talagang makikita natin ang maganda at di magandang naidudulot ng paglalaro. Sa akin ang mga magagandang naidudulot ng paglalaro ay nakapagtitibay ito ng samahan at sportsmanship. Nagpapagaan din ito ng pakiramdam lalo na pagtayo ay dumaranas ng matinding problema, kasi kapag tayo ay naglalaro ay saglit nating makakalimutan ang mga masasamang pangyayari sa ating buhay. Dahil din sa mga laro ay palagi tayong nakangiti na siyang mahalaga para hindi tayo tumanda ng maaga. Nakapagpapalawak din ito ng pasensya at tiwala sa sarili at sa kapwa kalaro. Makikita din sa laro kung paano ka makikihalubilo sa mga ka grupo mo, kung paano mo ipapakita ang kooperasyon at ang respeto sa bawat isa. Higit sa lahat ang mga laro ay nagpapataas ng ating talino, kasi sa bawat laro ay mag iisip tayo ng mga stratehiya kung ano ang dapat gawin para hindi matalo. Sa lahat ng iyon, meron din namang masamang naidudulot ang paglalaro, iyon nga kung palagi lang tayong naglalaro ay hindi na natin mabibigyang pansin ang mga bagay na mas dapat munang unahin katulad ng pag-aaral na siyang tunay na kayamanan ng tao na hinding hindi maagaw ng kung sino-sino man.

Di natin maipagkakaila na ang panahon ay lilipas din. Siguro iyong mga laro noon ay hindi na patok ngayon kasi nasa high-tech na daw tayong mundo. Oo, tama nga, Sa napapansin ko halos lahat ng tao ay naglalaro na sa internet, halimbawa ay iyong Farmville, Dota, Sims, at iba pa. Isang tanong lang, hindi niyo ba pansin ang pagkakaiba sa laro noon at ngayon? Kung papipiliin kayo, ang laro ba noon o ang laro ngayon ang gusto niyo? Kung sa akin lang, mas pipiliin ko ang laro noon kasi hindi masyadong nagbibitiw ng mga masasamang salita ang mga tao, at mas marami pang napapalawak ang mga laro noon pisikal man o mental. Samantala ang laro ngayon ay punong-puno ng trash-talk, karamihan sa mga taong nagsasabi nito ay mga lalaki. Wag na nating ipagkaila pa, hindi lamang ako ang nakakapansin ngunit marami pang tao. Dahil din sa high-tech na tayo ay nagiging tamad ang mga tao. May ibang estudyante na hindi na pumapasok sa paaralan, at nasaan sila? Nandoon sa mga kompyuter center, naglalaro ng dota at nagtatrash-talk. Kita niyo ang kaibahan? Sana’y mas maibigan natin ang mga laro noon. Simply lang at hindi pa tayo gagastos ng malaki. Maging matalino tayo sa pagpili ng laro na nakapagdudulot ng maganda. 


O ang sarap talagang alalahanin ang nakaraan, iyong tuwaan, asaran, at kulitan. May salaysay nga na “Hikayatin mo lahat ng kakilala mo na magkaroon ng kahit isa man lang paboritong laro sa buhay nila. Dahil wala nang mas kawawa pa sa mga taong hindi marunong maglaro." Sana’y maransan ko ulit ang maging bata.
Sana nga lang!


BY: MICAH DOYSABAS

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento