Lunes, Oktubre 10, 2011

Balik-Tanaw sa Aking Kabataan

Ako’y naglalakad patungo sa aking bahay nang makita ko ang mga batang naglalaro sa tabi ng eskwelahan. Ang mga batang ito ay kauuwi pa lang sa eskwelahan at masayang naglalaro sa tabi ng kanilang eskwelahan. Nakita ko sa kanila ang aking sarili noong bata pa ako. Malinaw na malinaw pa sa aking isipan nang kami ay naglalaro noong bata pa ako. Ang mga laro namin noon ay ang paon-paon, habulan, patintero, labay-lata, paglalaro ng lastiko at teks, jolin at iba pa.Marami akong kaibigan noon at palagi nga kaming naglalaro ng habulan, patintero at labay-lata. Kahit sino ay pwedeng sumali sa laro namin. Hindi kami nagagalit kung kami man ay matalo. Nade-develop naming ang pagiging isportsmanship. Kahit talo o panalo ka pa basta nag mahalaga ay naging masaya ka sa laro. Nakakatulong rin ang paglalaro para magkaroon ng mga kaibigan at ehersisyo rin ito sa katawan at isipan. Nahuhulma dito sa paglalaro ang respeto sa isa’t isa at pagiging palakaibigan. Sa paglalaro rin ay maaaring magkaroon ng di-pagkakaunawaan na nauuwi sa away. Naaalala ko pa nga noon nang palaging nag-aaway ang dalawa kong kaibigan at ako palagi  ang humihiwalay sa kanila. Noong bata pa nga kami palagi kaming nagdadasal sa aming mga sarili na sana hindi na lulubog ang araw para kami ay makakapaglaro sa habangbuhay.

Natatawa ako sa sarili ko na nagbago na talaga ako mula sa pagkabata. Ibang-iba na ang klase ng laro na hilig ko ngayon. Mahilig na ako ngayon sa larong Dota. Noon, kailangan ng pisikal na kontak ang mga manlalaro pero ngayon ay virtual na. Madalas kong naririnig sa mga kabataan ngayon na bukambibig nila ang Dota. Mga heroes sa Dota kagaya ni Dragon Knight, Priestess of the Moon, Spectre, Spiritbreaker at iba pa ay gustong-gusto ng mga kabataan at palagi nga nilang ginagaya. Mga online games na ngayon ang naghahari sa mga isipan ng mga kabataan. Mga laro kagaya ng Conquer, Ragnarok, Rakion at Dota ay hindi mawawala sa usapan sa mga kabataan ngayon. Mayroon na ngayong social websites na magkakaroon ka ng kaibigan kahit wala kayong pisikal na kontak sa isa’t-isa. Marami ang mga disadvantages sa paglalaro ng computer games. Una, kailangan mo pa ng pera para ikaw ay makapaglaro. Hindi kagaya sa laro noon na kahit walang kang pera ay makakalaro ka. Ikalawa, napapabaya ng mga kabataan ang kanilang pag-aaral dahil sa palaging silang naka-focus sa computer games. Ikatlo, wala nang ehersisyo ang katawan dahil nakaupo nalang maghapon sa harap ng kompyuter. Ikaapat, kapag matalo man sa isang laro, nagkakaroon ng “trash talks” sa magkabilang panig na nagiging resulta sa suntukan. Parang hindi na nga nade-develop ang isportsmanship dahil naiinis ang mga manlalaro kapag natatalo.

Naiisip ko na nga sa aking sarili ngayon na iba na talaga ang mga kabataan noon kaysa sa ngayon. Ang mga kabataan noon ay palakaibigan, may respeto sa kapwa, may isportsmanship at physically fit sila. Ang mga kabataan ngayon ay mahilig tumapak sa kapwa, mahilig mang-trash talk sa iba, mahilig gumasta ng pera at tamad dahil sa palaging nakaupo sa harap ng kompyuter buong araw.

Maraming benepisyo ang paglalaro ng mga pambatang laro. Una, dahil sa paglalaro ay nagkakaroon sila ng kaalaman tungkol sa kanilang kapaligiran. Ikalawa, nade-develop dito ang kakayahan nila sa pamumuno sa kanilang mga kuponan. Ikatlo, nagkakaroon sila ng magandang asal tungo sa mga kapwa kalaro. Ikaapat, nagkakaroon sila ng sariling mga batas na nagde-develop sa kanilang kakayahan na magtupad ng kanilang sariling batas. Ikalima, nagkakaroon ng malawak na himahinasyon ang mga bata. Ikaanim, nagkakaroon sila ng ehersisyo sa kanilang katawan na nakakatulong sa kanilang kalusugan. Mayron din namang mga di kanais-nais na makuha sa paglalaro nito pero ito ay kunti lang. Isa dito ay ang pag-aaway dahil sa di pagkakaunawaan. Madali lang itong masolusyonan kagaya ng panghihikayat sa kapwa kalaro na dapat tumanggap ng pagkatalo.

Mayroon din namang benepisyo ang paglalaro ng computer games. Una, nade-develop ng naglalaro ang wise decision-making sa pamamagitan ng pag-aanalisa sa mga galaw ng kanyang kalaban at pagbili ng tamang mga sandata. Ikalawa, nakakapagbigay rin ito ng malawak na kaalaman tungkol sa mga bagay-bagay na pwedeng gamitin ng manlalaro laban sa kabilang kuponan. Kaunti lang ang nabibigay na benepisyo ang kompyuter games sa atin. Marami itong mga masamang epekto rin sa atin. Una, nagkakaroon ng pagkawala sa tiwala sa sarili ang manlalaro dahil sa takot siya matalo sa kalaban. Ikalawa, nakakasama ito sa ating mga mata na nagreresulta sa temporaryong pagkabulag. Ikatlo, nagkakaroon ng kaunting imahinasyon ang tao dahil sa nakadepende na lang siya palagi sa kompyuter. Ikaapat, nagiging tamad ang tao na mag-ehersisyo dahil sa maghapon na lang siyang nakaharap sa kompyuter. Ikalima, inuubos mo ang oras at pera mo sa paglalaro ng kompyuter dahil sa nakakaadik nitong epekto kapag palagi ka na lang nakatunganga sa harap ng kompyuter. Imbes na gugulin mo ang oras mo sa pag-aaral ay nagkokompyuter ka na lang.

Iba…Iba na talaga ang mga kabataan noon at ngayon. Dahil sa pagsikat ng teknolohiya ay hindi na natin namamalayan ang ating mga tunay na mga kaibigan na nandiyan na talaga sa harap mo dahil mas gusto mo pa ang nasa facebook friends mo. Hindi ka na din gumagamit ng mga reliable na mga source sa iyong pagreresearch dahil sa isang click mo lang nandiyan lang ang impormasyon na kailangan mo pero hindi mo alam na hindi pala yan reliable. Nang nakapag-isip isip na ako, mas masaya pa pala ang paglalaro ng pambatang laro. Ngayon ko pa pala naisip, kailangan ko ng umuwi dahil gabi na. Paalam!  

BY: KEVIN JEMINEZ

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento