Martes, Oktubre 11, 2011

Halika’t Maglaro Tayo

Ngayon, ang mga bulinggit na mga bata ay di na naglalaro ng mga nilalaro natin noong (pinanganak ng 90’s at mas maaga pa) tayo ay mga uhugin pa lamang. Siguro dahil sa pagbabago ng panahon, bagong teknolohiya, impluwensiya ng mga banyaga, bagong henerasyon eka pa ng iba. Kakaunti na lamang ngayon ang nakikita kong nglalaro ng luksong tinik, patintero, taguan, habulan at iba pang larong pinoy. Sa halip, ang mga bata ngayon ay mas nahihilig sa internet, tulad ng paba-blog gaya nito, paglalaro ng PSP, Xbox, at Ipod sa mga may kaya.

Naaalala ko pa noong nasa elementary pa lamang ako ay kinagigiliwan kong laruin ang luksong baka, at luksong tinik. Sumasali ako kahit hindi ako marunong. Ang sabi ko, “saling pusa lang ako ha?” Nakakatawa mang isipin pero ayaw ko kasing maging taya. Ganyan naman diba pag bata, di nagpapatalo.  Ikaw, ano ang paborito mong larong pinoy? 

Sa totoo lang, napakaraming laro sa Pilipinas lalo na sa mga bara-baranggay nito. Nakakatulong ang mga larong ito sa pagpapalawak ng mga imahinasyon at pagkamalikhain ng mga bata. Sa magkakasabay na kasiyahan at hiyawan ng mga manlalaro ay di mo mapigilang mapasali sa kasiyahang nagaganap. Sa katunayan pa nga, kahit pa nagagalit si mama kapag umuuwi akong marumi, pawis at amoy araw ay di ko inaalintana maski pa mapingot ang aking mga taynga makasama lang sa paglalaro.

Isa sa mga walang kamatayang laro ay ang “Patintero”. Madalas kong itong laruin tuwing lunch break noong nasa high school pa ako. Bilis, liksi, at galing sa pagtaya ng kalaban ang pangunahing dapat isaalang alang ng bawat manlalaro. Ang basehan ng pagkapanalo ng larong ito ay ang bilang ng mga manlalarong nakalampas sa bawat guhit nang di nagtataya o namamalayan ng kalaban. Ang isang grupo ay kinabibilangan ng mga hindi bumababa sa sampu ang miyembro. Maaaring maglaro ng patintero kahit saan lugar basta’t nasusulatan ang sahig ng chalk na nagsisilbing hangganan o kaya naman mga linyang malalampasan ng bawat manlalaro. Bilang panimula ng laro, maghahagis ng isang barya upang malaman kung aling grupo ang mauunang maglalaro at kung anong grupo ang taya.

Pamilyar ba sa inyo ang mga katagang “Jack En Poy” o papel, gunting, bato? Siguro naman alam nating lahat ito. Madalas natin tong nilalaro kapag tayo ay nababagot at walang magawa sa buhay. Kahit nga siguro hanggang ngayon ay ginagawa pa rin natin ito. Sa Ingles, ang bansag sa larong ito ay “Rock-Paper-Scissor”. Ang larong ito ay naglalayong matalo ang bawat galaw kamay sa pagitan ng dalawang manlalaro. Halimbawa, talo ng papel ang bato, talon ng bato ang gunting. Hindi maakukumpleto ang larong ito kung hindi kinakanta ang: “Jack en poy! Hali-hali hoy! Sino’ng matalo ay siyang unggoy!

Nagbanggit ko lang kani-kanina ang larong luksong baka. Marunong ka ba maglaro nito? Kung hindi, pareho tayo. Hindi naman sa literal na di talaga marunong maglaro, ang ibig kong sabihin ay di masyadong marunong lumukso ng gaya sa ibang manlalaro. Sa larong ito, ang isang manlalaro ay magiging taya na siysng tutuwad ng bahagya habang nakasuporta ang kamay nito sa tuhod. Ang mga kalaro ay lulukso sa itaas ng taya gamit lamang ang mga kamay. Kapag sumayad ang mga binti ng lumukso o iba pang parte ng katawan nito sa taya, siya ang papalit sa taya.

Tampok sa mga bata noon ang larong bahay-bahayan. May nagnananay-nanayan, nagtatatay-tatayan, may mga anak, kuya at mga ate pa. Kahit ako, di ko pinalampas ang larong ito. Madalas ako ang nagiging anak. Katulad ng titser-titseran at doctor-doktoran, may mga batang umaarte na tulad sa ama at ina ng isang bahay, particular na ang nipa hut, at may kasamang baby na manika. Ang karaniwang ginagawang ama dito ay ang pumapasok sa trabaho habang ang ina ay nakasuot ng saya habang naghahanda ng pagkain gamit ang mga platong plastic at ang mga damo at mga bulaklak ay nagsisilbing pagkain. Inaalagaan din ng umaarteng ina ang baby na manika na kanilang anak. Kalat ang kasikatan ng larong ito sa iba’t-ibag lugar sa Pilipinas sapagkat bawat bata ay mismong sa magulang nakakakuha ng ideya kung paano sila gagayahin.

Isang larong sikat na hango sa larong Ingles na “Hide and Seek” ang larong “Taguan”. Paborito itong laruin ng mga bata tuwing kabilugan ng buwan. Kahit ilang tao ay pwedeng sumali, ang kailangan lamang ay may tukuyin na “taya”. Kung sino man ang matukoy na taya ay siyang magbibilang ng hanggang 30 habang nakapikit o nakasandal sa puno o pader na nagsisilbing home base. Habang ang taya ay nagbibilang, ang mga kalaro ay maghahanap ng kanya-kanyang mapagtataguan. Pagkatapos magbilang ng taya ay hahanapin niya ang mga nagtago. Ang bawat nagtago naman ay hahanap ng paraan para makapunta sa home base nang hindi nakikita ng taya sabay sisigaw ng “save”. Maliligtas mula sa pagkataya ang sinumang makakapunta ditto ng di nahuhuli. Matatapos lamang ang laro kapag ang lahat ng manlalaro ay nakalabas sa kanilang pinagtataguan.

Ang “Siyatong” ay kinawiwilihan laruin ng mga batang Pinoy noong araw.  Gaya ng taguan, kahit ilan pwedeng maglaro ng siyatong. Kailangan lamang ng maikling patpat para magsilbing pamato at mahabang patpat para panghampas nito. Ang maikling patapat ay pumapagitna sa hinukay na butas (mababaw lang naman) na magsisilbing home base at ang unang maglalaro ay ihahagis pataas at sabay hataw dito gamit ang mahabang patpat hanggang maipalo palayo sa home base. Ang napalayong patpat ay pupuntahan ng naghagis at uulitin ang unang ginawa. Titigil lamang ito kung hindi natamaan ang kahoy habang nasa hangin. Ibabalik ito ng manlalaro habang sumisigaw ng “siyatong” pabalik sa home base. Kung hindi nakasigaw ng “siyatong” ay uulitin nito ang paghagis at paghataw.

Lahat ng larong binanggit ko ay tila unti-unti nang nglalaho. Dati rati marami akong nakikitang mga batang naglalaro sa kalye ng mga larong pinoy. Mga batang nagtatawanan at kung minsan pa’y nagkakainitan ng ulo at nagkakapikuan. Maswerte pa nga ako at naabutan ko ang mga laro na yan. Eh ikaw kaya? Naranasan mo bang madapa, madungisan, at umiyak dahil sa mga laro na yan?
Kapansin-pansin ang napakalaking pagbabago sa lipunan. Ang mga bata ngayon ay di ko na nakiktang naglalaro sa kalye. Alam mo ba kung saan? Doon, doon sa internet cafe’. Nakikipag “dota” at  pustahan pa. Ito ang malaking pingagkaibahan ng larong pinoy at sa makabagong uri ng laro natin ngayon - gumagastos pa tayo makapaglaro at maaliw pansamantala samantalang noon ay libre lang, walang bayad at libre rin ang mga aral na natutunan natin mula sa paglalaro nito.

Kung papipiliin ako kung ano ang gusting laro, kung yaong noon ba o ngayo, mas pipiliin ko ang noon. Kasi noon, mas na eenjoy ko ang kabataan ko kumpara ngayon sa mga batang di naranasang makapaglaro sa kalye. Eh ikaw, alin ang pipiliin mo, noon o ngayon?

BY: CELYBEL TACBIANAN

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento