Lunes, Oktubre 10, 2011

Minsan Din Akong Naging Bata

Hinding-hindi ko pa makalimutan ang mga ngiti at mga tawang nakaukit sa aking mga labi noong ako ay bata pa habang masayang nakikipaglaro sa aking mga pinsan at mga kapitbahay. Naalala ko tuloy noong mga araw na pinapagalitan at pinapalo ako dahil nangangamoy araw na daw ako o kaya’y nakakalimutan ko nang matulog pagsapit ng alas tres ng hapon. Minsan pa nga naiinis ako kay mama kasi kung kailan masaya akong naglalaro, doon din siya  magsisimulang mang-utos, iyong bang nadarama natin kapag gustung-gusto na talaga nating sumali sa mga pinagkakaabalahan ng ating mga kalaro pero ayun ka, nakaupo sa harapan nila dahil pinuputulan ang iyong mga kuko o kaya ay nililinisan ang iyong mga tainga.


Minsan kapag ako lang nag-iisa, masasabi kong mabuti pa ang maging bata, walang problema sa baon, sa pag-ibig at sa pag-aaral kasi nga ang mundo nila ay umiikot lang sa mga laro, may kahalo man itong kanta at sayaw, maging para man sa lalaki o sa babae. Nasubukan ko na siguro ang lahat ng pwedeng maging libangan ng isang bata maliban na lang sa sugal pero may iba talaga na tumatak na sa aking puso. Kabilang na sa mga ito ang Chicken-chicken, Chinese Garter, Patintero, at Tindug-balay. 


Isa sa mga unang laro na aking natutunan ay ang chicken-chicken. Habulan kasi ito at dapat makasigaw ka muna ng “chicken!” bago ka mahuli ng taya para may pag-asa ka pang maisalba ng iyong mga kasama dahil kung hindi, ikaw na naman ang magiging taya. Naging tatak na sa akin ang pagiging mahiyain at mahinhin ko noon. Ngunit dahil sa larong ito, nagsimula akong makihalubilo sa mga taong nakapalibot sa akin. Dahil mabagal akong tumakbo, palagi talaga akong inuunang hulihin ng taya. Mabilis naman akong sumigaw ng “chicken!” Kahit naman gaano ako kapabigat sa aking mga kalaro, naramdaman ko pa rin na may malasakit sila sa akin dahil isinalba pa rin nila ako sa pamamagitan ng pagdampi sa akin. Mula noon, natutunan ko nang kumilos nang mabilis kapag naghahabulan at hindi magkasing bagal ng pagong.


Sa eskwelahan noong ako ay nasa elementarya na, paborito kong laruin ang Chinese Garter. Pagkatapos ng klase ay dali-dali akong magwawalis sa aming silid-aralan at magsusuot ng shorts na baon ko sabay hubad ng palda. Diretso agad ako sa malawak naming ground at ilalabas ang aking Chinese Garter. May kaibigan kasi ako noon na magaling sa larong ito. Isang araw, noong hindi kami naging magkagrupo, ay nag-away kami. Nang ako ay lulundag na sana, nakita ko siyang itinaas ang garter kaya nainis ako dahil hindi ko ito naabot. Nagbatuhan kami ng mga salita na umabot sa puntong umiyak kaming dalawa. Hindi kami nagpansinan sa sumunod na araw pero sa hapon ding iyon ay nagkabati rin naman kami kaagad. Ganyan kasi ang mga bata, madaling nakakapagpatawad.


Malalaman ko nang magsisimula na kami ng Patintero kapag may bitbit nang tabo at balde na may lamang tubig ang pinakamatanda sa aming magpipinsan. Gamit ang tubig, gagawa siya ng mga kahon para sa aming magiging laro sa lupang kalye sa tapat lang ng aming bahay. Habang ginagawa niya ito, tinatawag ko naman ang iba pang gustong sumali. Kapag kumpleto na kami, magpepeks na ang mga pares na magkapareho ang laki ng katawan o edad. Pagkatapos naming malaman kung talo o panalo kami sa peks, magpapangkat-pangkat na agad kami.  Kukuha ng isang tsinelas at ihahagis ito pataas. Kung nakatihayang ito, mauunang maglalaro ang mga nanalo at ang talo ang magiging taya. Vice versa naman kapag ang tsinelas ay nakakulob. Magsisimula na ang laro kapag nahawakan na ng mga lider ang kamay ng isa’t isa. Sa larong Patintero, natutunan naming na kailangan ang pagtutulungan ng mga miyembro para makamit naming ang home. At kahit hindi naming alam kung sino ang mga magiging kasama naming sa grupo, madali kaming nakakapagpaplano para sa mga tactics na gagawin naming para hindi mahuli ng kaaway.


Natutunan ko rin kung paano maging lider sa larong Tindug-balay. Naging uso kasi ito noong ako ay nasa ikaanim na baiting sa elementary. Magkapareho ang paraan ng paglalaro nito sa batu-lata; ang kaibahan lang ay tsinelas ang ginagamit. Ang isang tsinelas ay ipinapasok sa strap ng kapares nito hanggang pumorma ng ekis at ipinatatayo gamit ng isa pang tsinelas na para bang isang bahay. Ang maglalarong grupo ay kukuha pa ng isang tsinelas at siyang ibabato sa tatlong tsinelas na itinayo. Kapag natumba na ito, ang susunod na naming gagawin ay papatayuin ito nang hindi ka natatamaan ang lahat ng miyembro ng isang grupo ng tsinelas na ibinabato ng kaaway. Minsan kailangang isakripisyo ang ibang kasama kaya nagpapatama na lang sila para lang maitayo ulit ang tsinelas. Ang teknik na ito ay talagang epektibo dahil palagi kaming nananalo sa larong ito.


Magkaiba na nga talaga ang mga laro noon kumpara sa mga laro ngayon. Mas nabibigyan kasi ng pagkakataon ang mga bata noon na makipag-ugnayan sa mga tao sa labas ng bahay hindi kagaya ngayon na palagi na lang kaharap ang kompyuter o kaya ay cellphone. Masyado nang naiimpluwensyahan ng teknolohiya ang mga bata ngayon na kapag brownout lang, agad-agad na silang nababagutan. Unti-unti nang naglalaho ang tunay na kahulugan ng laro at para sa akin, ito ay ang pagsasaya sa ilalim ng init ng araw.


Nakakahiya mang aminin pero dahil din sa mga larong ito, natutunan ko rin ang mandaya. Natural na siguro ito sa mga bata dahil baka gusto lang talaga naming manalo kasi ayaw naming matukso. Alam ko naman sa huli na mali iyong ginawa ko at ayaw ko na ding uulitin kasi tinakot din ako ng ate ko na kapag gagawin ko daw uli iyon, may tutubo daw sa akin na mga hubag-hubag kaya natakot din naman ako. Naalala ko rin noong nagkaroon kami ng mga kasama ko ng kaaway ay talagang pinagtulungan naming siya na maging taya palagi. Sa huli, naging magkaibigan naman kami. Sa kabila naman ng mga ito, hindi ko lang natutunan ang pagiging sports kung sakaling natatalo man minsan kundi pati na rin ang hindi pagsuko ng basta-basta na lang. Ang mga bata kasi kapag nadadapa, ay agad-agad umiiyak pero agad-agad din iyang bumabangon.


Kung ako lang ang masusunod, pipiliin kong maging bata habambuhay. May sarili kasing mundo ang mga bata at wala silang ibang hiling kung hindi ang maglaro, maglaro ulit at maglaro nang paulit-ulit. Kahit na lumaki tayo, hindi na natin mababaon sa limot ang ating pagkabata na siyang humubog sa kung ano man tayo ngayon at bukas.

BY: MARSHA DULLER 
           

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento